mahusay si pacquiao sa boxing, ibang usapan ang pulitika  

Posted by malungkot_na_tala

Tulad nang iba pang Pilipino, inabangan ko rin ang laban ni Pacquiao vs. Hatton noong Linggo. Wala naman kaming pay-per-view at masyadong matagal ang delayed telecast sa solar sports at GMA network kaya minabuti kong makinig nalang sa radyo. Eh di una kong narinig iyong boses ni Martin Nievera, nagduda pa nga ako kasi bakit hindi pa lumalabas ang maglalaban eh kumakanta na siya.

At nag-umpisa na ang pinakaabangan. Ang hirap sa pakikinig sa radyo ay hindi ko makita kung ano ang nagaganap, aasa ka lang sa sinasabi ng commentator. Kaya pinakagana ko nalang ang imagination ko. In fairness, mahusay ang mga commentators sa 92.7 Campus Radio station at bago pa man magsimula ang laban, nagturo na sila ng mga boxing terms lalo na ang punching combinations.

First round palang ng laban, dalawang beses ng tumumba si Hatton. At ang mas nakakagulat, bago matapos ang 2nd round, Knock-out na ang kalaban ni Pacquiao. Lapat na lapat sa ring ang likod niya nang siya ay bumagsak. Ni hindi na rin nagpa interview pa ang kampo ni Hatton matapos ang laban.



Wala naman akong masabi sa kahusayan ni Pacman sa loob ng ring. Tama namang bansagan siyang pound-for-pound champ, people's champ pwede na rin. Kahit ihanay pa siya sa listahan ng pinakamagagaling sa larangan ng boxing, matutuwa pa ako at sympre proud.

Pero kasabay ng pagkapanalo niya ay ang paglabas ng balitang muli niyang pagtakbo sa darating na 2010 elections. Kung anong posisyon, iyon ang hindi pa malinaw. Nagtayo na siya ng sariling political party na pinangalanang "People's Champ Movement" at pinarerehistro na sa Comelec.

Matatandaang tumakbo na si Manny pacquiao noong 2007 elections bilang Congressman sa South Cotabato at hindi siya nanalo. Ngayon, sasabak na muli siya sa pulitika. Ang tanong mananalo kaya siya?

Sa palagay ko, mas mabuting manatiling People's Champ si Pacquiao dahil sa pagiging boksingero niya at hindi sa pagiging pulitiko. Maaring masira ang katanyagan, kredibilidad niya kapag pumasok siya sa pulitika. Ang pagtulong sa kapwa ay hindi lang naman sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mataas na posisyon sa gobyerno. Dagdag pa na hindi biro ang pagsabak sa pulitika laluna't kaiba ito sa boxing. Hindi niya magagamit ang punching combinations niya, hindi niya magagamit ang kamao para bumagsak ang mga problema ng lipunan. Gaya ng pagte-training niya sa kanyang sports, kailangan din niyang pag-aralan ng husto, intindihin at husayan ang laro ng pulitika.

Totoong napagbubuklod ni Manny ang mga Pilipino sa tuwing siya'y may laban. Pero hindi pareho ang laban sa boxing sa laban sa pulitika at totoong buhay.

This entry was posted on Tuesday, May 5, 2009 at 6:55 PM . You can follow any responses to this entry through the comments feed .

0 comments

Post a Comment