stress reliever  

Posted by malungkot_na_tala in ,

Here’s something I wrote after hearing some dire updates from a comrade. It was bad news and I was not expecting for it. Since I was not able to release my emotions, I decided to write to release the tension.

Hindi ko alam kung nakikinig ka ba talaga sa tuwing nag-uusap tayo o pinipili mo lang ang mga tatandaan mo sa libong salitang sinasabi ko at ng iba pa. Hindi lang ngayon o kahapon tayo nag-usap at nagpaliwanagan tungkol dito. Hindi ko naman sinasabing pagod na ako, o sawa na ako. Pero minsan, nasasagad din ang pasensiya. At may pagkakataong sana hindi lang "ikaw" o ang sarili mo ang iniintindi mo kung hindi ang nararamdaman ng iba.

Sabi mo, iniisip mo kami kaya hindi ka nagsasalita. Hindi ka nagsasabi. Pero hindi mo ba naisip na dahil sa ginagawa mo, lalo mong inilalayo ang sarili mo? Lalo mong pinapaypayan ang mainit nang baga. Hindi sa lahat ng panahon, alam namin ang takbo ng utak mo. Hindi kami manghuhula para malamang may dinaramdam ka sa kabila ng mga ngiti mo sa mukha. Totoong may mga bagay na hindi na kailangang idaan sa salita, pero mas higit na maraming mga bagay na kailangang sabihin para maunawaan.

Alam kong marami kaming pagkukulang, hindi lahat ng pangangailangan niyo'y natutugunan namin. May mga panahong tila wala kaming oras na kayang ilaan para makinig sa kung ano mang kwento, balita o problemang meron kayo. Madalas, hindi kami nakakasakay sa kulitan at asaran niyo. May mga pagkakataong hindi mo kami nakakasama, madalas wala kami sa tabi niyo.

Pero sana huwag mo namang isiping hindi kami handa para pakinggan ka. Na hindi ka namin kayang maunawaan. At huwag mong ipagpilitang hindi ka namin naiintindihan.

Mahirap din kasing malaman na hindi ka nasasapatan sa kaya naming ibigay sa ngayon. Masakit malaman na napakarami pa rin naming pagkukulang sa kabila ng ilang beses na pagpapaliwanag at pagpapaalalaa. May kurot sa pagkatao namin kung nakikita namin kayong nagkakaganyan.

Ayaw kong manumbat, dahil wala naman akong karapatan. Wala din ako sa posisyon para mag-inarte o magpakita ng kahinaan. Pero gusto ko lang din malaman, nagawa mo na bang kamustahin ako? Alamin kung ano ang iniisip ko, kung may problema ba ako o may dinaramdam ako? Naisip mo na din pang maglaan ng oras para ako naman ang pakinggan mo, ang mga kwento ko ng pangarap, ang mga nakatakda kong gawin at plano ko sa nalalapit na hinaharap? Minsan ba, inalala mo kung bakit ako tahimik? Nagtanong ka na ba kung bakit madalas akong magsungit?

Huwag mong ipagpalagay na hindi namin nakikita ang mga sakripisyo mo. Maraming paraan para ipakita namin na natutuwa kami sa bawat oras na inilalaan mo para sa kanila. At hindi hinihingi ang kapalit sa bawat bagay na kaya mong isakripisyo at ilaan. Kung magsisilbi ka, hindi ka magtatanong kung hanggang kailan, hindi ka magtatakda kung hanggang saan.

Hindi rin dapat maging dahilan ang isang tao para lang manatili ka. Hindi ka siya at siya ay hindi ikaw. May sarili kang pag-iisip, may sarili kang pagpapasya. Hindi sa kanya umiikot ang mundo mo at lalong hindi siya ang buhay mo. Kung kaya, maling-mali ang gawing rason ang isang tao para gawin ang hindi mo naman talaga gustong gawin.

Huwag mo ding sabihing hindi ka namin sinusuportahan, pakiusap. Dahil sa lahat ng ginagawa mo, hindi man sapat ang tapik sa balikat at mga pabirong hirit, kami ang lubos na nagagalak. Sa bawat limistasyong na-i-igpawan mo at kahinaang nababaka mo, kami ang unang nakakakita noon. Hindi man kami humawak ng bandera at mag flag dance maghapon, tandaan mong kami ang mga taong gustong makita ang pag-unlad mo.

Sana maging obhetibo ka sa lahat ng panahon. Suriin ang mga bagay-bagay bago ka magbitiw ng mga salita. Isipin mo na nasasaktan din kami, napapagod, napipikon...gaya mo din. Gaya ng iba pa.

Maging bukas ka lang. Bukas para magpuna at tumanggap ng puna, bukas para makipagusap, bukas para mas lalo pa tayong magkaunawaan.

Iniintindi ka pa rin namin. Sa alam naming pamamaraan.

This entry was posted on Saturday, September 20, 2008 at 5:30 AM and is filed under , . You can follow any responses to this entry through the comments feed .

0 comments

Post a Comment